Hot Posts

6/recent/ticker-posts

LUNGSOD NG BACOOR SUMAILALIM SA GCQ, PARTNERSHIP SA MGA DELIVERY SERVICES ISINULONG




BACOOR CITY--Ngayong unang araw ng Hunyo taong 2020 ay unang araw ding sumailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang Lungsod ng Bacoor. Matapos itong sumailalim sa ECQ noong Marso, MECQ noong Mayo at ngayon kasama ang buong lalawigan ng Cavite ay GCQ na ito.

Inilunsad noong ika-29 ng Mayo ang kauna-unahang Webinar para sa Bacoor Economic Sector na kung saan ay inilinaw ang mga panuntunan sa mga karagdagang negosyo na magbubukas ngayong unang araw ng GCQ. Naibahagi sa pagpupulong na kailangang i-maximize ang mga delivery services para maghatid ng mga bilihin tulad ng pagkain, gamot at iba pang pangangailangan sa bahay.

Kaya naman, dahil sa limitasyon sa operasyon ng mga negosyong ito, minabuti ng Pamahalaang Lungsod ng Bacoor sa pangunguna ni Mayor Lani Mercado-Revilla na magkaroon ng kasunduan sa mga delivery services tulad ng FoodPanda Ph, Joyride at Happy Move Ph.

Pangunahin ding layunin ng proyektong ito ay mabigyan ng dagdag na pagkakakitaan ang mga tricycle drivers sa Lungsod ng Bacoor. Sa pamamagitan ng pagko-convert ng kanilang mga tricycle to delivery motorcycles mas madaragdagan ang kanilang kikitain sa araw-araw kumpara sa kanilang limitadong pagbyahe sa tricycle sa panahon ng GCQ.

"Ang mga kababayan nating nasa sektor ng transportasyon ang isa sa mga pinaka-naapektuhan ng ating community quarantine. Sila ay kumikita at umaasa lamang sa kanilang arawang pag-biyahe kaya malaking pahirap para sa kanila ang halos tatlong buwang hindi nakakapasada." pahayag ni Mayor Lani.

"Minabuti nating magkaroon ng kasunduan sa mga delivery services tulad ng Food Panda Ph, Joyride at Happy Move Ph dahil sa paraang ito, hitting three birds in one stone tayo. Una, nakatulong tayo manatiling stay at home ang mga Bacooreño. Pangalawa, nakapagbigay tayo ng dagdag na serbisyo para sa mga negosyante at pangatlo, nakapagbigay tayo ng hanapbuhay para sa ating mga tricycle drivers." dagdag ni Revilla.

Ang programang ito ay pinangunahan ng Public Employment Service Office ng Bacoor sa pamumuno ni Doc Bob de Castro.

Sa ngayon, may kabuuang 124 na kaso ng Covid-19 sa Lungsod ng Bacoor. 45 active cases, 11 deaths at 68 recoveries.

"Ngayong nasa GCQ na ang Bacoor, ibayong pag-iingat pa din ang ating laging pinapaalala sa ating mga kababayan. Ipagpapatuloy natin ang ating mga social distancing measures tulad ng Barangay Clustering Schemes sa mga palengke, malls, groceries at supermarkets. May Quarantine Pass at iba pang tipo ng passes na tayong ipapatupad. Kahit na may pampublikong transportasyon na, inaasahan natin na limitado pa din ang operasyon nito dahil sa social distancing." paalala ng Alkalde.

"Hindi tayo magiging kampante, bagkus ay mas hihigpitan natin ang ating mga panuntunan hanggang sa masanay na ang ating mga kababayan sa minimithi nating 'new normal' sa hinaharap. Ipagpapatuloy natin ang ating mga naumpisahan para labanan ang Covid-19. Kapit lang tayong lahat. Sama-sama, tulong-tulong at malalagpasan din natin ito." pagtatapos ni Mayor Lani.

Mananatiling nasa GCQ ang Lungsod mula ngayon June 1 hanggang June 15, 2020.

Recent Post

recentpost