Matandang babae, nasawi matapos lamunin ng apoy ang isang pribadong paaralan sa Cavite
![]()
Nasawi ang isang 70-anyos na babae matapos ma-trap sa sunog na tumupok sa isang pribadong paaralan sa Barangay Sta. Cruz 1, Dasmariñas City, Cavite, nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang biktima bilang si Gng. Violeta, may-ari ng Brentwood Academy, na umano’y natutulog sa loob ng administration office nang sumiklab ang apoy.
Ayon sa paunang ulat, nagsimula ang sunog bandang 8:32 ng gabi sa isa sa mga silid-aralan ng paaralan. Naitawag naman sa mga awtoridad ang insidente makalipas ang ilang minuto.
Mahigit isang oras na nakipaglaban ang mga bumbero bago tuluyang naapula ang sunog. Sa isinagawang clearing operations, natagpuan ang sunog na labi ng biktima sa loob ng administration office.
Patuloy pang iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng pinsalang dulot nito.









