Pulis na nang-abuso sa estudyante sa Cavite, humingi ng tawad

Humingi ng tawad ang isang Police Senior Master Sergeant na suspek sa pagbangga, panununtok, at pagbabanta sa buhay ng 20-anyos na college student sa Trece Martires, Cavite.
Sa pagharap ng suspek sa media, inamin din nito ang ginawang kasalanan.
“Una po sa lahat, humihingi po ako ng tawad sa nagawa kong kasalanan. Aminado naman po ako na nagkamali ako. Haharapin ko na lang po kung ano yung mga desisyon na gagawin para sa akin. Yun lamang po,” paliwanag ng pulis.
Umiwas naman ang suspek nang tanungin ang kanyang bersyon ng mga nangyari noong Agosto 27.
“Pasensya na po, sa court na lang po ako magsasalita na lang po. Na-file naman po sa akin, pasensya na po.”
Nagbilin din siya ng mensahe sa biktima at pamilya nito.
“Humihingi po ako ng tawad sa nagawa kong kasalanan. Pero, hindi po para pagbigyan ako na ma ano yung kaso. Ginagawa ko ho yung pakiusap ko, at ang paghingi ng tawad ay nasa puso ko naman ho na nagawa ko yung kasalanan.”
Samantala, napag-alaman ng National Police Commission (NAPOLCOM) na dinidiktahan umano ng isang police captain na kapatid ng suspek ang imbestigador na humahawak ng kaso, kaya mababang reklamo ang naihain sa suspek.
Paliwanag ni Patrolman Rolyn Pagayon, imbestigador ng Trece Martires, “Sir ang ifa-file ko ho talaga dapat is, attempted homicide. Dahil nga ho, binangga ho ang motorsiklo ng kotse at there’s an intent to kill ho. During that time na nagco-conduct ako ng investigation, may mga sinasuggest ho, kaya hindi ko talagang [na file] kung ano ang nararapat na kaso.”
Iniutos na rin ni Commissioner Rafael Calinisan na magsagawa ng motu proprio investigation laban sa kapatid ng suspek.
Possible rin umanong matanggalan ng driver’s license ang suspek matapos itong nagmaneho nang nakainom.
“Nanawagan ako sa kapatid natin na si USEC Markus Lacanilao, itong taong ito, ay nagda-drive ng kotse na lango sa alak. Sabagay, hindi naman niya kailangan ng lisensya sa loob ng kulungan. Pero, baka dapat i-revoke din natin yung kanyang lisensya,” ayon kay Calinisan.
Ngayong araw, inihain na rin ni Patrolman Pagayon ang kanyang affidavit sa NAPOLCOM tungkol sa nangyaring insidente.









